PEPE: ANG BAGONG RIZAL


Frederick Perito

“ Inay, kailan ako mag-aaral?” tanong ng isang paos na tinig mula sa isang paslit
 “ Anak, hindi pa natin kaya……..”
 “ Pero Inay, mag wawalo na po ako sa darating na buwan……..”
 “ Alam ko anak…….pero ..” isang malalim na buntong hininga ang karugtong bago….. “ …pero hindi ko pa kayang mag-paaral sa kinikita ko ngayon.  Pasensiya  na muna, anak…..”
 “ Aling Ising!…Aling Ising!…..si Naro hinuli ng mga pulis!” mula sa labas ang palahaw na iyon. “ Aling Ising……!”
 “Ang anak ko!” hangos ang ale palabas ng barung-barong…. “ Pepe, maiwan ka muna diyan……huwag kang aalis……diyan ka lang! Titingnan ko kung anong nangyari sa kuyang mo!”

Siya si Pepe.  Isang wawaluhing gulang na paslit na nakatira sa isang barung-barong sa may gilid ng tulay sa Delpan.  Pang-anim sa walong magkakapatid, namulat at nagkaisip siya sa piling  ng mga naglalakihang container van na nakaparada sa terminal na nagsisilbing palaruan para sa kaniya at sa iba pang mga paslit na naglisaw sa lugar na iyon.

 “ Pepe………hik!…..nasaan ang inang mo?….hik!……” sumusuray-suray na salubong ng isang lalaking humigit kumulang ay mga limampung taon na.
 “ Wala pa po Tay……..pumunta po sa DOS……..diyan po sa Moriones…”
 “ Hik……at bakit na naman?……nadampot na naman ba ang ate Trining mo sa Padre Rada?”
 “ Hindi po si Ate…si Kuya Naro daw po….”
 “ Hik……putanginang mga bata iyan……ala ng dinala rito kundi perhuwisyo…..hik…” tumuloy sa paminggalan ang lasing….. “ano ba ang makakain ditto?”
 “Ala pa po Itay….di po nakapagluto si Inay eh….”
 “ Tangina!……anong oras ba lumayas ang tangnang babae na iyan at hindi pa nakakapagluto..?”
 “ Siguro po ay mga ala-una pa po ng tanghali….”
 “Lintik na buhay ito! Uuwi ka para kumain tapos alang pagkain madadatnan….letse!……..” padabog na tinungo nito ang pintuan.
 “Tay, saan ka pupunta?”
 “Sabihin mo sa tangnang Nanay mo na doon muna ako matutulog sa Tita Mercy mo……….at sabihin mo sa kaniya, sabi ko kamo….Putangina niya!”

Iyan si Pepe sa araw-araw.  Taong bahay.  Kuya para sa dalawang nakababatang kapatid na babae.  Isang lima at isang dalawang taon.  Kung minsan, nanay at tatay kapag inabot ng gabi sa kalsada ang magulang at mga kapatid.

 “ Kuya, gugutom na ako” daing ni Ginging, ang limang taon
 “ Ala pa si Nanay eh….”
 “ Kuya, agugutom na rin si Bebeng…..” daing din ng bunso
 “ Hintay lang natin sandali si Nanay….” kinalong  ni Pepe ang bunso habang hinanaplos ang buhok ni Ginging. “Gusto niyo, kuwentuhan ko muna kayo….?”
 “Sige Kuya………..yung karugtong ng nikuwento mo kagabi”
 “ O sige….makinig kayo ha………naaalala niyo pa iyong batang kinukuwento ko sa inyo kagabi?…………si Jose…..lumaki siyang matalino at…”
 “Inay!” patakbong sumalubong sa ina ang bunso “anong pagkain natin? Gutom na ako po eh…”
 “Pepe, anak, di ba nag-uwi ng pagkain ang tatay mo?”
 “ Hindi po Inay….lasing po ng dumating at nagagalit dahil ala daw pong makain.  Doon daw po siya tutuloy kay Tita Mercy.”
 “ Hayup talaga iyang ama mo…..” 
 “ Nanay, agugutom na ang bunso mo…..” putol ni Bebeng sa ina.
 “ Pepe, punta ka nga sa tindahan ni Aling Masyang.  Umutang ka muna ng sardinas at bigas ng makapagluto na tayo ng makakain.”
 “ Ate!……..Nay, si Ate Conching….” Ang tinig ay mula kay Ginging
 “ Mano po Inay….” Sabay abot sa kamay ng ina… “ Saan ka papunta Pepe?”
 “ Sa tindahan Ate, uutang ng sardinas at bigas……”
 “Utang na naman?..”napailing ang kausap, “ Huwag na Pepe at may dala ako ditong pansit at puto…..eto ng kainin natin”
 “ Salamat Ate…”tuwang tuwa ang magkasunod na babae “Ngayon lang ako makakain ulit nito tapos ng bertday ko” dugtong pa ni Bebeng
 “ Tara na Inay…..kumain na tayo….” Aya ng anak na babae kay aling Ising.

Ganiyan ang buhay ng pamilya nila Pepe.  Ang pagkain ay kadalasang inuutang sa tindahan at binabayaran na lang kapag kumita sa paglalabada si Aling Ising.  Nakakakain lang ng medyo masarap sarap kapag dumarating ang dalawang kapatid ni Pepe na pawang may mga pamilya na.  Ang ama ng tahanan? Lunod sa kandungan ng kulasisi.  May mga nakatatandang kapatid si Pepe. Si Conching ang panganay, ay may sarili ng pamilya.  Sa edad na dalawampu ay dalawa na ang anak sa isang intsik na dati nitong amo sa pabrika.  Si Elena na sumunod kay Conching ay nagtatrabaho sa abroad ngunit simula ng umalis ito ay hindi na nakaalala ni isang sulat man lang.  Si Naro, ang panganay na lalaki, ay runner ng isang pasugalan sa Velasquez.  Si Trining at Pablito naman ay nagtitinda ng gulay sa Padre Rada.  Ni isa sa magkakapatid ay walang nakatapos.  Ni hindi nakatuntong ng hayskul sa kakapusan ng panggastos sa pamilya kung kaya’t naghanapbuhay na lamang ang mga ito.

 “ Inay, pupunta lamang po ako kay Artemio.  May bago daw po siyang libro ni Jose Rizal.  Kukuwentuhan daw po niya ako.”  Paalam ni Pepe sa ina na nakatalungko sa labahan
 “ Sige anak, pero bumalik ka bago makapananghali at magdadala ako ng pagkain sa puwesto nila Ate Trining mo.”
 “Opo….” At kagyat na tinalunton ni Pepe ang lansangan patungo sa kababata.

Iyan  ang tanging libangan ni Pepe.  Ang makinig ng kuwento ng kalarong si Artemio.  Magsing-edad lamang sila ngunit si Artemio ay nasa ikalawang baitang na sa Rosauro Almario sa may Zaragosa.  Si Jose Rizal, isang taong sa kuwento lamang niya naririnig ngunit nagbibigay ng kaunting dingas ng pag-asa para kay Pepe.

 “ Inay, Pepe rin po pala ang tawag nila kay Mang Jose…..” kuwento ni Pepe sa ina bago matulog ng gabing iyon.
 “ Oo anak…..” habang hinahaplos ang ulo ng anak “ Masipag, mabait at matalinong bata si Rizal.  Sana lumaki ka ring ganuon anak.”
 “ Opo, inay.  Pag nakapag-aral na ako, Inay, tatalunin ko pa si Rizal!”
 Lihim na naluha ang ina sa tinuran ng paslit sapagkat alam niya na kailanman ay hindi niya ito kayang paaralin.  Kung alam lamang ni Pepe.  Tulog na Pepe.
 “Pepe, sama ka sa amin.” Anyaya ni Guiller, isang batang may edad na kinse “magtatrabaho kami sa Quiapo”.  Sa murang gulang ay bakas na kay Guiller ang lakas ng loob at tibay ng bisig.
 “Anong trabaho?”
 “Mandurukot kami para magkapera.”
 “Huwag, masama iyan!  Magagalit si Jesus!”
 “ Ah, bahala ka!  Kung ayaw mo, huwag mo.” Paasik na iwan sa kaniya ng grupo ni Guiller.  Masaya pa itong nakikipagpalitan ng maaanghang na kataga sa mga barkada sabay ng paghithit ng sigarilyo.

Si Pepe, sa kabila ng kahirapan ay di naisipan ni minsan ang gumawa ng masama sapagkat ito ang kabilin-bilinan ng Ina sa kaniya. “ Anak, galit ang Diyos sa batang salbahe”.  Bukod pa rito ay madalas niyang naririnig sa mga kuwento ni Artemio na si Rizal ay di gumawa ng masama sa kabila ng kahirapan nito noon.  Gagayahin niya si Rizal!

 “ Kuya, sakit tiyan ko…..” daing ng bunso kay Pepe isang tanghali.
 “ Bakit Bebeng? Ano ba ang kinain mo?”
 “ Ala namang iba kuya……arayyyy!!!….”

 Taranta na ang Pepe sa daing ng kapatid.  “ Gingging, tingnan mo sandali si Bebeng…..tatawagin ko si Aling Lucia sa kapitbahay…” hangos ang Pepe papunta sa kapitbahay.  Ng dumating ay kasama na ang isang matandang babae.  “ Diyaske Pepe, asan ba ang nanay mo…?”

 “ Tinubos po si Kuya Naro sa presinto….”
 “Dalhin na natin si Bebeng sa hospital….bilis!”

Buti na lang at nadala agad ang batang babae sa isang pampublikong pagamutan.  Nalason ito sa nakaing sitserya na napulot sa likod ng kanilang bahay.  Sa sobrang gutom ay kinain ito ni Bebeng.

 “ Peste kayong mga bata kayo!” sigaw ng ama sa bahay nila pag-uwi galling sa pagtubos sa bunso sa ospital “ wala na kayong dinulot sa akin kundi perhuwisyo, ala naman akong pakinabang sa inyo.”
 “ Tigilan mo ang kasasatsat diyan, Mariano!  Ngayon ka lamang nakasama sa bahay ay nagkakaganiyan ka pa!  Pero kapag ang hayup mong babae ang umuubos ng kinita mo, wala kang kibo!” galit na tugon ni Aling Ising sa asawa.
 “ Tangnamo Ising.  Kaya lumaking ganito iyang mga anak mo ay dahil sa iyo.  Di ka marunong magpalaki ng anak!”
 “Letse! Ano ang alam mo sa pagpapalaki ng anak?  Wala ka sa bahay na ito ng lumaki ang mga anak mo!  Naroon ka’t nagsasaksak sa puki ng kabit mo!”
 “ Ah, buwisit na bahay ito!  Bahala kayo sa buhay niyo!” at lumabas ito ng bahay na tiyak kung saan patutungo.
 “ Ikaw ang buwiset! Sige! Doon ka  sa kabit mo magsiksik! Buhay pa kayo ay sinusunog na kayo sa impiyerno!”

Masakit mang tanggapin, walang magawa si Pepe kundi ang magtiis sa ganoong eksena tuwing magtatagpo sa bahay ang ama’t ina.  Tinatakpan na lamang nito ang tainga upang di marinig ang bangayan na nagdudulot ng mahapding pakiramdam sa kaniyang dibdib. “ Paglaki ko, pagkatapos kong mag-aral, di na magkakaganito ang pamilya namin.  Tulad ng pamilya ni Rizal, magiging masaya rin kami.  Kapag naging sing-sikat ako ni Rizal, di na aalis si Tatay sa bahay namin.”
 “ Pepe, anak, ikaw na muna ang bumili ng gamot ni Bebeng sa Divisoria.  Kailangan ko lang tapusin itong labada ko eh”
 “ Opo Inay…” tugon ni Pepe, “ Inay, bakit ng binaril si Rizal ay di siya ipinagtanggol ng mga kababayan niya?”
 “ Pepe, anak……mamaya ko na sasagutin iyan.  Bumili ka muna ng gamot ni Bebeng….”

Pagkatapos abutin ang perang pambili sa ina, tinungo na ni Pepe ang daan papuntang botika.  Sumisipol pa ito habang nasa daan.  Naglalaro pa ito habang naglalakad sa ilalim ng init ng araw ng tanghaling iyon.

“ Ayun!  Mamang pulis, siya iyong batang nang-snatch ng pera ko!”  sigaw ng babaeng may katabaan na naksalubong ni Pepe.  Siya ang tinutukoy nito.  “ Mamang pulis, hulihin niyo siya!”

Hindi na nakuhang magsalita ni Pepe.  Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi  ng paslit mula sa pulis. “Tarantado kang bata ka!  Kay Liit mo pa ay magnanakaw ka na!” Isang malakas na tadyak ang tumama sa tagiliran ni Pepe.  Tumulo ang luha sa murang pisngi ni Pepe.  Gusto niyang sabihin, “ hindi po ako nagnakaw……pambili po ito ng gamot ng kapatid ko……”, ngunit walang namutawi sa kaniyang labi sa sobrang sakit na nadama mula sa tadyak ng pulis.
 “Siya nga mamang pulis! Tingnan niyo, dala pa niya ang pera ko…..”

Hinawakan ni Pepe ng mahigpit ang perang pambili ng gamot ng kapatid. “Akin po ito!” , naisigaw nito.  Minasama ng pulis ang pagsigaw na iyon ng bata kung kaya’t ito ay sinapak sa mukha.  Sa tinamong sakit ay pumiglas si Pepe at ng makawala sa pagkakahawak ng pulis ay tumakbo ito.  “ Sa kapatid ko ito.  Di nila ito puwedeng kuhanin sa akin!”  Hilam ng luha ang mga mata ni Pepe habang tumatakbo.  Di alintana ang paligid.  Basta’t ang nais nito ay makalayo sa humahabol.
 “Diyuskupo!  Ang bata mabubundol!”

Masakit ang likuran ng ulo.  Iyon ang nadarama ni Pepe.  Bakit ang daming nakapaligid sa akin? Ang perang pambili ng gamot ni Bebeng, nasaan?!  Arayyyyy!………..ang ulo ko!  “ Mamang Pulis, eto po iyong batang nandukot sa ale.”  Nakita niyang hawak ng isang lalaki si Guiller.  “Sabi ko sa inyo hindi ako magnanakaw …”, ahhhh….masakit talaga ang ulo niya…. “Guiller , sabihin mo sa kanila na di ako magnanakaw…..aahhh……ang ulo ko! “ ….gustong sumigaw ni Pepe…ngunit ang nabigkas na lang niya ay “ Pambili po ito…..ng gamot ng kapatid ko…….maysakit po siya…..aaahhhh….”, hawak pa rin ng mahigpit ni Pepe ang pera sa kaniyang kamay.  Napakasakit talaga ng kaniyang ulo.  Masakit na masakit………Aahhhhhhh.

Pagkatapos maglaba ni Aling Ising ay tumuloy ito sa loob ng barung-barong upang asikasuhin ang bunso na may sakit. “ Bunso, anak…..pagdating ng kuya…iinom ka na ng gamot mo…..gagaling ka na…….” , at saka hinalikan sa noo ang nahihimbing pa na si Bebeng.  “Pagdating mo Pepe, ikukuwento ko kung bakit hindi tinulungan si Rizal ng kaniyang mga kababayan…pagdating mo anak…pagdating mo…..”  Masaya ang mukha ni Aling Ising habang naghihintay sa pintuan ng kanilang bahay sa pagdating ng kaniyang munting Rizal.  Maghihintay siya roon.

Frederick Perito, or Perry,  is a 25 year old computer-engineering graudate of PLM. He says he is a"Shakespearean wanna-be trying to survive in a world of computers and technology," and describes his writings as "unconventional," "critical," and "radical."  Perry recently obtained his MBA degree and  Microsoft Certification for his I.T. skills, but still treasures his love of contemporary literature.
 
Main
Next